Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipapatupad pa rin ang number-coding scheme sa araw ng ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Hulyo 24.
Sa isinagawang closed-door meeting sa House of Representatives kaugnay sa paghahanda sa seguridad para sa SONA, sinabi ni MMDA General Manager Procopio Lipana na wala pang napag-uusapang suspensiyon ng number coding sa ngayon kayat posible na ipatupad pa rin ito.
Ayon naman sa opisyal, posibleng maglabas ang MMDA sa mga susunod na araw ng alternatibong mga ruta na maaaring daanan ng mga motorista sa araw ng SONA.
Sinabi naman ni Lipana na hindi isasara ang bahagi ng Commonwealth Avenue at IBP Road sa Quezon city at posibleng magkaroon lamang ng zipper lane depende sa sitwasyon.
Magpapakalat naman ang MMDA ng nasa 1,300 ng kanilang tauhan sa mismong araw ng SONA hindi pa kabilang dito ang mga itatalaga sa QC.