-- Advertisements --

Nag-abiso ang National Telecommunications Commission (NTC) sa lahat ng public telecommunications entities na siguraduhing magiging minimal lamang ang mararanasan na service interruption sa mga lugar na apektado ng pagdaan sa bansa ng Bagyong Vicky.

Sa memorandum na nilagdaan ni Commissioner Gamaliel Cordoba, ipinag-utos ng NTC sa mga telco firms na tiyaking may sapat silang bilang ng technical at support personnel.

Gayundin ang mga naka-standby na generators na may extra fuel, tools, at sobrang equipment sa mga lugar na posible pang hagupitin ng naturang bagyo.

Batay sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA), nag=landfall ang bagyo sa Baganga, Davao Oriental dakong alas-2:00 ng hapon kahapon.

Inatasan din ng ahensta ang mga telecommunication companies na bilisan ang pag-aayos ng kanilang telecommunication services sa mga service area na apektado ng bagyo at magpadala ng libreng tawag at charging stations sa mga strategic areas.

Nagpa-alala rin ito na makipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) at panatilihin na nasusunod ang mga umiiral na health protocols para maiwasan ang lalo pang pagkalat ng coronavirus disease.

Inaasahan ng NTC na makatatanggap ito ng status updates kada anim na oras ukol sa nagpapatuloy na restoration activities ng mga network, facitilies at maging ang timeline kung kailan manunumbalik ang kanilang serbisyo.