Pinag-iingat ng National Telecommunications Commission (NTC) ang publiko sa mga natatanggap na spam messages.
Ayon kay NTC Deputy Commissioner Edgar Cabarrios, huwag na dapat buksan pa ang link na nakapaloob sa spam messages na ito.
Bukod dito, hindi rin dapat magbigay ng personal data ang sinuman sa mga links na kanilang matatanggap.
Sa ngayon, sinabi ni Cabarrios na inaatasan na nila ang mga telecommunications companies na magpadala ng advisories sa kanilang mga subscribers na huwag paniwalaan at pansinin pa ang spam messages na kanilang matatanggap mula sa mga hindi kilalang numero.
Magugunita na sa mga nakalipas na linggo ay usap-usapan ang pagdami ng mga spam messages na natatanggap ng publiko na nag-aalok ng trabaho na may malaking pasahod.
Nauna nang sinabi ng National Privacy Commission na kanilang natukoy na nagmula sa international syndicates ang naturang mga spam messages gamit ang mga prepaid numbers.