Mahigpit ngayon ang utos ng National Telecommunication Commission (NTC) sa mga telecommunication companies (telcos) na ipatupad ang pag-unlock sa mga cellphone sa bansa.

Kasunod pa rin ito ng pagpapalabas ng NTC ng Memorandum Circular kaugnay ng Rules and Regulations on Unlocking of Mobile Phones and Devices.

Sakop ng mandatory unlocking na direktiba ng NTC ang prepaid at postpaid mobile phones o devices mula sa public telecommunications entities (telcos) sa bansa gaya ng Smart at Globe at iba pang telcos.

Sa pamamagitan daw ng pag-unlock sa mga cellphone ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga consumers na ma-utilize ang kanilang cell phone mula sa isang network sa iba pang compatible network.

Nagpaalala pa ang NTC sa mga telcos na bigyan ng malinaw na instruction ang mga customers sa procedures kung paano i-unlock ang kanilang mga cell phones sa pamamagitan ng kanilang websites.

Kapag ibebenta naman ang mga units na hindi pa naka-unlock ay kailangang walang karagdagang bayad ang pag-unlock sa mga cell phones.

Bibigyan ng NTC ang mga telcos ng dalawang business days para ipatupad ang mandato sa kanilang mga eligible mobile phones o devices matapos matanggap ang request.

Nagbanta naman ang NTC na paparusahan nila ang mga kumpanyang lalabag sa kanilang utos.

Magiging epektibo naman ang Memorandum Circular sa loob ng 15 araw matapos ang publication.