Pinuna ng mga kongresista ang National Telecommunications Commission (NTC) sa patuloy na pag-ere ng ABS-CBN ng mga palabas nito sa digital channel kahit pa paso na ang kanilang prangkisa noon pang Mayo 5, 2020.

Sa pagdinig ng House committees on legislative franchises at ng good government and public accountability, iginiit ni Deputy Majority Leader Boying Remulla, dapat makasuhan sa Office of the Ombudsman si NTC Commissioner Gamaliel Cordoba.

Sinuway daw kasi nito ang kapangyarihan ng Kongreso na magbigay ng prangkisa matapos na kunsintehin ang ABS-CBN na patuloy na makapag-operate at kumita sa digital channel.

Hiniling naman ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na magbitiw na lamang si NTC Commissioner Gamaliel Cordoba sa kanyang trabaho dahil sa pag-upo nito sa naturang usapin.

Inabot kasi aniya ng 19 na araw ang NTC bago ito nakapagpalabas ng alias cease and desist order.

Dipensa naman ni Cordoba, hinintay pa nila ang payo ng Office of the Solicitor General nang malamang patuloy na umeere ang mga palabas ng ABS-CBN sa digital channel dahil nais lamang nilang nilang maging maingat sa mga gagawing hakbang dahil sa nakabinbing kaso sa Korte Suprema hinggil sa usapin ng prangkisa ng network.