-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nasamsaman ng mataas na kalibre ng baril at malakas na pampasabog ang naarestong menor de edad na kasapi ng new Peoples Army sa Echague, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay B/Gen. Laurence Mina, Commanding General ng 502nd Infantry Brigade Philippine Army sinabi niya na ang naaresto sa San Carlos, Echague si Alyas Macoy, 17 anyos.

Hindi anya nanlaban si Ka Macoy nang kanilang madakip makaraang isumbong ng ilang mamamayan dahil nakitang may bitbit na mahabang baril.

Nasamsam kay ka Macoy ang isang M16 armalite rifle at backpack na naglalaman ng Improvised Explosive Device, 100 meter wire na detonating cord at baterya.

Sinabi pa ni Brig. Gen, Mina na batay sa kanyang pakikipag-usap kay Alyas Macoy, kinumpirma nito na kabilang siya na lumabang rebelde sa naganap sa sagupaan sa barangay Villa Rey noong araw ng Sabado na ikinasawi ng isang sundalo at ikinasugat ng dalawa pa.

Sinabi pa ng binatilyong NPA na nagulat din sila ng makasagupa nila ang mga sundalo sanhi para magkawatak watak sila sa iba’t ibang direksiyon habang nakikipaglaban sa mga sundalo.

Umabot anya sa 30 NPA ang nakalaban ng mga sundalo.

Sinabi naman sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alyas Makoy na pitong buwan na siyang nanatili sa loob ng samahan at kanyang inamin na nakatuwaan lamang nila ng isang kaibigan na isa ring menor de edad ang sumapi sa rebeldeng grupo.

Ang baril at IED na nasamsam sa kanya ay ibinigay umano ng kanilang pinuno na si Ka Bentot upang magamit na pandepensa sa kanilang sarili.