-- Advertisements --
Rebel Surenders

BACOLOD CITY – Gutom umano ang isa sa mga dahilan ng isang opisyal ng New People’s Army (NPA) sa Negros Occidental kaya ito sumuko sa mga pulis.

Ayon sa 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army, nagtulungan ang 62nd at 94th Infantry Battalion (IB) para ligtas na makasuko si Jonel “Roy” Moreno, 33, at residente ng Brgy. Buenavista, Himamaylan City.

Kinilala si Moreno bilang isang full time party member at commanding officer ng Local Guerilla Unit sa Central Negros Front.

Batay sa ulat ni 62nd IB commander Lt. Col. Melvin Flores kay 303rd Infantry Brigade Commander Col. Inocencio Pasaporte, sumuko si Moreno sa mga sundalo bitbit ang isang M16 rifle na may magazine, isang .45 caliber pistol na may dalawang magazines, assorted ammunitions at isang handheld radio.

Inamin umano ng NPA local guerilla leader na ang hirap, gutom at hindi natupad na pangako ng kanilalng mga leaders ang tumulak sa kanya upang magbalik-loob sa gobyerno.

Sa ngayon, sumasailalim sa custodial at stress debriefing ang NPA surrenderee bago ito i-enroll sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno upang makatanggap ng immediate welfare assistance, livelihood assistance at incentives para sa mga surrendered firearms.