-- Advertisements --

Posibleng masilayan muli ang nagniningning na Northern Lights sa ilang bahagi ng Estados Unidos sa Lunes ng gabi, Agosto 25 dahil sa inaasahang minor geomagnetic storm, ayon sa Space Weather Prediction Center ng NOAA.

Ayon sa forecast, maaaring makita ang ”aurora borealis” sa mga estado ng Washington, Idaho, Montana, North Dakota, South Dakota, Minnesota, Iowa, Wisconsin, Michigan, New York, Vermont, New Hampshire, at Maine.

Maaaring tumagal ang pagpapakita ng aurora hanggang Martes ng gabi sa mga pinakahilagang bahagi ng bansa.

Dahil sa madilim na kalangitan ngayong linggo mas malinaw na makikita ang mga kulay rosas at berde ng aurora.
Mas maganda umano itong pagmasdan pagdating ng alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Ang Northern Lights ay nagaganap kapag nagbabanggaan ang mga particle mula sa solar flares at mga atom sa atmosphere ng mundo.

Mas madalas itong nangyayari ngayong malapit na ang solar maximum, isang11-taong cycle ng araw, na inaasahang magtatagal hanggang 2026.

Samantala pinapayuhan ang publiko na pumunta sa mga madidilim na lugar malayo sa lungsod. Maaari ring gamitin ang mga smartphone at camera upang makunan ng larawan ang aurora, kahit na hindi ito makita.