Nirerespeto ni Leyte Representative-elect Martin Romualdez ang pagtanggi ni Davao City Mayor Sara Duterte na nirekominda siya nito para sa speakership ng Kamara.

Ayon kay Romualdez, “nagpaalam” na siya sa kanyang partido na Lakas-CMD, at kay Pangulong Rodrigo Duterte at nakausap na rin si incumbent Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para sa kanyang intensyon.

Nauna nang pinakilala ng Davao City Mayor si Romualdez bilang susunod na speaker sa isang rally ng Hugpong ng Pagbabago sa Tacloban noong Marso.

Subalit pagkatapos ng isang araw, pinakilala rin niya si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang susunod na speaker.

Pero pinabulaanan na rin ng nakababatang Duterte na nirekomenda niya sa speakership post si Romualdez at iginiit na hindi niya balak na impluwensyahan ang Kongreso sa anumang desisyon patungkol dito.