Pamahalaan hinimok na magtalaga ng iisang tao lang bilang pansamantalang kapalit ni Roque matapos itong magpositibo sa COVID-19(Loop: nograles, roque, iatf)
Matapos na magpositibo sa COVID-19 si presidential spokesperson Harry Roque, umaapela ang isang kongresista sa pamahalaan na magtalaga ng iisang tao lamang na siyang mangunguna sa pagpapaabot ng impormasyon sa pagitan ng gobyerno at publiko.
Ayon kay House Committee on Constitutional Amendments chairman Alfredo Garbin Jr., dapat magkaroon ng kasunduan sa pagitan ng mga high-ranking officials ng pamahalaan na tanging si Cabinet Secretary at IATF co-chairman Carlo Nograles lamang ang magsasalita patungkol sa IATF at iba pang usapin hinggil sa COVID-19.
Malilito lamang kasi aniya ang taumbayan kung sino ang dapat na pakikinggan kung masyadong marami ang magsasalita hinggil sa COVID-19 pandemic response ng pamahalaan habang nagpapagaling si Roque.
Mas mainam na ipaubaya na lamang aniya ang tungkulin na ito kay Nograles at sa Department of Health para matutukan din ng ibang mga opisyal ng pamahalaan ang kanilang trabaho.