Magpapatuloy umano ang people’s initiative na layong amyendahan ang 1987 constitution kahit na mayroong imbestigasyong ginagawa ukol dito ang senado, ayon ‘yan sa lead convenor ng People’s Initiative for Reform, Modernization, and Action o PIRMA.
Sa isang panayam, sinabi ni Noel Onate na wala raw makakapigil sa people’s initiative dahil karapatan umano ito ng mga Pilipino. Maging ang Comelec, Korte Suprema, Senado, at Kongreso raw ay walang kakayahang ipatigil ito sapagkat fundamental right umano ng mga tao na ipagpatuloy ang signature campaign.
Dagdag pa ni Onate, nakuha na nila ang pirma ng 12% ng total population ng bansa at ang ibang distrito ay magpapasa pa ng pirma ng kanilang mga nasasakupan.
Itinanggi rin nito ang ilang ulat na nag-withdraw ang ibang mga pumirma sa people’s initiative.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay sinuspinde ng Commission on Elections ang mga proceeding sa people’s initiative upang mas mapag-aralan umano ng komisyon ang kasalukuyang alituntunin nito at upang maiwasan daw ang problema at hindi pagkakaintindihan sa interpretasyon ng provision of rules.