-- Advertisements --

Hindi umano ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga Chinese tourist sa Pilipinas.

Ayon kay House Ways and Means Committee Chair at Albay Representative Joey Salceda ang “no-tourist policy” ng China kaugnay sa COVID-19 pandemic ang siyang dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga turistang Chinese na nagtutungo sa bansa.

Ginawa ni Salceda ang pahayag sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Labor and Employment sa pangunguna ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles kaugnay sa estado ng mga POGO sa bansa.

Pahayag ni Salceda, malinaw na walang diperensya kung mayroong POGO o walang POGO sa bansa dahil mahigpit na ipinagbabawal ng China ang paglabas ng mga turista dahil sa kanilang “zero COVID policy.”

Binigyang-diin ni Salceda, na “highly speculative” ang ginawa ng National Economic Development Authority (NEDA) na iugnay ang POGOs sa bilang ng mga Chinese tourist sa ating bansa at mismong si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian na walang relasyon o kaugnayan ang dalawa.

Sa isinagawang pagdinig, ipinakita ni Salceda ang datos kung saan noong 2019 at 2020 ay bumaba ng 90.2% ang Chinese tourists na pumapasok ng Pilipinas, at 88% na pagbaba ng Chinese tourists sa iba pang bansa sa mundo.

Noon naman 2019 at 2022, nasa 99.4% ang pagbaba ng Chinese tourists na bumibisita sa Pilipinas, habang 94.5% na pagbaba sa Chinese tourists sa ibang panig ng mundo.

Ang mga nasabing bilang ay halos kahalintulad din aniya sa Cambodia at United Arab Emirates, kung saan kapwa pinapayagan ang POGOs.

Nauna nang nilinaw ng Chinese Embassy na hindi isinailalim sa “blacklist” ang Pilipinas dahil sa POGOs.

Sinabi rin ng embahada na inaasahan ang pagdating sa bansa ng mga Chinese tourist matapos lamang ang pandemya.

Samantala, hinimok naman ni House Committee on Labor and Employment chair at Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles ang gobyerno na maghinay hinay sa pagtrato sa mga POGO workers and operators.

Binigyang-diin ni Nograles mahalaga na magpatupad ng “emphaty at fairness” sa mga ito ang pamahalaan.

Kanina sinimulan ng Komite ang motu-propio investigation kaugnay ng mga isyu na naka paloob sa POGOs.

Inihayag din ni Nograles na para maiwasan ang mga iligal na aktibidad ng POGO dapat paigtingin ng mga labor inspectors ang pag-inspection at maging ang PNP sa pagpapatupad ng batas at pag imbestiga sa mga POGO.