Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) dhief Gen. Dionardo Carlos na hindi nila idi-deploy sa mga Quarantine Control Points ang mga police personnel na hindi bakunado kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa PNP chief, magpapatuloy pa rin sa pagtatrabaho ang mga ito kahit ayaw magpabakuna sa kabila ng polisiya na inilabas ng Inter Agency Task Force na “no jabs,no work policy.”
Kanila lamang aniya ire-reassigned ang mga pulis sa mga lugar na hindi “high risk” upang makapagtrabaho na hindi nae-expose sa COVID-19.
Binigyang-diin ni Carlos na hindi niya hahayaan na ang mga unvaccinated personnel ay “excused” sa trabaho dahil tuloy pa rin ang kanilang mga sahod.
Kaugnay nito, maglalabas ng memorandum circular ang PNP sa mga darating na araw hinggil sa nasabing polisiya.
Samantala, nilinaw ng PNP chief na hindi makakaapekto ang vaccination status sa promotion ng isang police officer.
Batay sa latest data na inilabas ng PNP Health Service, halos lahat ng mga pulis ay bakunado naman, maliban na lang sa 1,771 o 0.79 percent na tauhan.
Nasa 299 sa mga ito ay ayaw magpabakuna dahil sa medical reason, 194 dahil sa allergies, 393 mga buntis habang 63 ang lactating mothers, at 69 dahil sa religious belief.
Sa ngayon, nasa 212,080 personnel o 93.98 percent sa buong police force ang fully vaccinated, habang 11,788 or 5.22 percent ang nakatanggap na ng first dose.