Pinawi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Jose Maria “Joey” Concepcion III ang pangamba ng ilang business owner sa posibleng maging epekto ng mungkahing “no booster card, no entry” policy.
Sa kanyang pahayag ay sinabi ni Concepcion na ang pagpapabilis sa bakunahan ng booster ay magpapahaba pa sa panahon ng maluwag na restriksyon ng bansa kung saan ay malayang nakakagalaw ang mga tao.
Mabibigyan daw kasi ng booster vaccine nang karagdagang proteksyon ang mga indibidwal na may humihinang immunity habang hinihintay naman na makahabol sa dami na bilang mga primary vaccination ang mga probinsyang may mababang rate ng bakunahan.
Dagdag pa niya, hinding-hindi nila nanaisin na tuluyang tumigil ang business activities dahilan kung bakit nila iminumungkahi ang naturang kautusan na binibigyan naman ang mga tao ng sapat na oras upang makapagpaturok ng kanilang mga booster shot.
Matatandaan na kamakailan lang ay nagpahayag ng pangamba si Concepcion hinggil sa bumababang immunity ng mga tao dahil sa mabagal na bakunahan ng booster na maaari namang maging sanhi ng muling pagsipa ng mga kaso ng COVID-19.