Nagpaliwanag ngayon si Justice Secretary Menardo Guevarra na maaari pa namang maghain ng apela ang mga tinaguriang ninja cops, matapos inutos ng Department of Justice (DoJ) na iakyat na sa korte ang kanilang kaso.
Nakasaad kasi sa DoJ resolution kahapon na nakitaan ng probable cause ang reklamong inihain ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kaugnay sa pag-recycle umano ng iligal na droga.
Ipinaliwanag naman ni Guevarra na habang dinidinig ang kaso sa korte ay maaaring umapela ang mga akusado sa pamamagitan ng paghahain ng motion for reconsideration sa Office of the Secretary of Justice.
Ito ay matapos na inilabas na ng DoJ panel of prosecutors ang resolusyon laban kay dating PNP Chief General Oscar Albayalde, Police Major Rodney Baloyo at labindalawang pulis na pawang mga isinangkot sa pag-recycle ng iligal na droga.
Partikular sa isasampang kaso laban kay Albayalde ay paglabag sa Anti Graft and Corrupt Practices Act, dahil sa pag-impluwensiya sa ibang opisyal ng gobyerno para protektahan ang kanyang mga tauhan at bilang provincial director noon ay hindi niya ipinatupad ang kautusan ng PNP na suspindihin ang kanyang mga tauhan sa Pampanga na kasama sa drug raid nuong 2013 sa bahay ng drug lord na si Johnson Lee.
Samantala pinakakasuhan din sa korte sina Police Major Rodney Baloyo at 12 tauhan nito kaugnay sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act dahil sa nakumpiska nilang halos 200 kilos ng droga ay 36 kilos lang ang idineklara sa kanilang report.
Bukod pa diyan ay P300,000 lang ang idineklara ng grupo ni Baloyo na nakumpiska nila sa operasyon pero nadeskubreng umaabot pala ito sa P10 milyon.
Kaugnay nito’y ibinasura naman ng DoJ ang reklamo laban kay P02 Anthony Lacsamana dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya matapos lumitaw sa imbestigasyon na hindi kasama sa isinagawang raid si Lacsamana.