-- Advertisements --

Tiwala ang National Irrigation Administration (NIA) na pagdating ng taong 2028 o sa pagtatapos ng termino ng administrasyong Marcos ay magiging self-sufficient sa bigas ang Pilipinas.

Sinabi ni NIA acting administrator Engr. Eduardo Guillen, na kabilang sa kanilang mga plano para maisakatuparan ang layuning ito ay ang pagtatayo ng mga dam- reservoir at diversion type– dahiil sa pangangailangan para sa sapat na suplay ng tubig.

Noong Abril 2023, matatandaan na sinabi ng Department of Agriculture (DA) na target nito ang 100% self-sufficiency sa bigas para sa Pilipinas sa 2027, sa pamamagitan ng Masagana Rice Program 2023-2028 nito.

Sa parehong taon, sinabi rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kung maisakatuparan ng gobyerno ang malaking reorganisasyon sa loob ng ilang ahensya, malapit na ang bansa sa self-sufficiency sa bigas sa loob ng dalawang taon.

Ang Masagana Rice Program ay naglalayon na patatagin ang suplay ng bigas ng bansa sa pagitan ng 24.99 milyong metriko tonelada (MT) hanggang 26.86 milyong MT, babaan ang inflation ng bigas sa mas mababa sa 1% taun-taon, patataasin ang kita ng mga magsasaka ng 54%, at titiyakin ang pagkakaroon ng bigas sa lahat ng pagkakataon sa pamamagitan ng pagpapanatili ng sapat na rice buffer stock sa DA-National Food Authority (NFA) ayon sa mandato ng Republic Act No. 11203 o ng Rice Tariffication Law.

Samantala, hinggil naman sa napipintong epekto ng El Niño, sinabi ni Guillen na uunahin ng NIA ang paghahanap ng sapat na tubig para sa mga magsasaka na makapagtanim ng palay.

Gayunman, iginiit ni Guillen na sapat ang bigas para sa mga Pilipino sa gitna ng El Niño dahil matagal na silang naghahanda para sa El niño phenomenon.