Hinimok ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang publiko na tulungan silang pangalagaan ang mga puntod ng mga bayani, sakaling makita man ito sa hindi maayos na kalagayan.
Ito ang naging apela ni NHCP Historic Sites Development Officer II Eufemio Agbayani III, kasunod ng paggunita kahapon ng araw ng mga yumao.
Ayon kay Agbayani sa panayam ng Bombo Radyo, maraming bayani mula sa una at ikalawang digmaang pandaigdig ang hindi nakalibing sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Nabatid na naihimlay kasi ang mga ito sa iba’t-ibang lugar, bago pa man nabuo ang Heroes Cemetery.
Sinasabing may ilang libingan sa mga lalawigan ang hindi na gaanong naalagaan dahil hindi ito naipararating sa NHCP o maging sa lokal na pamahalaan.
May ilan din namang nasira ng mga kalamidad o kaya ay sadyang nasira na dahil sa paglipas ng panahon.
Para kay Agbayani, hindi man obligasyon ng karaniwang tao na hanapin ang mga himlayan ng ating mga kinikilalang bayani, mainam namang maiparating ito sa kinauukulan upang mabigyan ng angkop na pangangalaga.
-- Advertisements --