Muling haharap sa Quad Comm hearing si dating Iloilo Mayor Jed Patrick Mabilog sa susunod na pagdinig ng Quad Committee na nakatakda tentatively sa Biyernes.
Ayon kay Manila Representative Benny Abante, Chairman ng House Committee on Human Rights at isa sa co-chair ng Quad Committee sesentro sa extra judicial killings at illegal drugs ang pagdinig.
Inihayag din ni Abante na si dating PNP Chief Police General Camilo Cascolan ang nagsalba umano sa buhay ni dating Iloilo City Mayor Jed Mabilog at sinabihan siya huwag pumunta sa Kampo Krame noong 2016.
Matatandaan, sa testimonya ni Mabilog sa nakaraang Quad Comm hearing, sinabi nito na ilang beses tumawag at nag-text sa kanya ang isang opisyal ng PNP.
Sa mensahe nito kay Mabilog, huwag pupunta ng Crame dahil ipapadawit umano sa kanya si noon ay dating presidential candidate Mar Roxas at dating Senator Franklin Drilon sa illegal drug trade bukod sa nanganganib ang kanyang buhay.
Sabi ni Abante, makatutulong sana na patunayan ito ni Cascolan pero namatay na ang naturang opisyal noong nakaraang taon.
Sa kabilang dako nagkumpirma na rin si Davao City Representatitve Paolo Duterte na dadalo sa Quad Comm hearing para tanungin ang ilang resource persons dahil nadadawit ang pangalan ng kanyang ama sa isyu ng ejk at illegal drugs.