-- Advertisements --

Pormal na hiniling ng ICC Office of Public Counsel for Victims (OPCV) na maibasura ang paghamon ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa hurisdiksiyon ng tribunal sa kaso ng dating Pangulo.

Sa 27 pahinang dokumento na may petsang Hunyo 9, hiniling ni Principal Counsel Paolina Massida, na naitalaga para kumatawan sa mga posibleng biktima, na ibasura ang claims ng kampo ni dating Pangulong Duterte.

Tinutukoy ng counsel ang 38 pahinang dokumento na may petsang Mayo 1 na kumukwestyon sa hurisdiksiyon ng ICC kaugnay sa pag-aresto sa dating Pangulo para sa umano’y crimes against humanity kaugnay sa war on drugs.

Ito ang ginamit naman ng kampo ng dating Pangulo para i-apela na agad siyang palayain at agad-agad na mapawalang bisa ang kaso laban sa kaniya.

Ipinaliwanag din ng Office of Public Counsel for Victims na malinaw ang nakasaad sa Articles 12 at 27 ng Rome Statute na ang pag-atras ng PH mula sa Statute ay walang legal effect sa established jurisdiction ng korte Lalo na nang simulan ang preliminary examination ng prosecutor bago maging epektibo ang pag-withdraw ng PH.

Ipinunto rin ng opisina na maaari nilang i-exercise ang kanilang hurisdiksiyon sa kasalukuyang kaso at binanggit na nagpahayag ng malubhang concern sa panig ng mga biktima sakaling mahinto ang proceedings sa kaso laban sa dating Pangulo sa oras na magtagumpay ang paghamon ng defense team sa jurisdiction ng tribunal.