Ipinangako ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling na paiigtingin ng ahensya ang mga regulasyong ipinatutupad sa mga real estate developer, practitioner, at homeowners associations.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, iginiit ni Aliling na kanilang palalakasin ang regulatory function ng DHSUD upang magkaroon ng mas malakas na epekto sa sektor ng pabahay, kasabay ng pagpapatupad ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Aniya, sa nakalipas na tatlong taon ay nakatuon lamang ang DHSUD sa 4PH, kaya ngayon ay bibigyan ng higit na pansin ang mga tungkulin bilang regulatory body.
Ayon sa Republic Act 11201, ang DHSUD ang pangunahing ahensya para sa pagbibigay ng mga pabahay, human settlements, at urban development. Saklaw din nito ang regulasyon sa mga subdibisyon, condominium, at mga real estate project, pati na rin ang pangangasiwa sa homeowners associations at pagresolba ng mga sigalot.