Todo na rin ang paghahanda ng Bureau of Immigration (BI) sa pag-resume sa kanilang full operations sa ilalim ng tinatawag na “new normal.”
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sa sandaling tanggalin na ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at ilang lugar sa bansa ay agad silang magpapatupad ng bagong protocols sa kanilang BI main office at iba pang [immigration field, satellite at extension offices.
“We are adapting these new guidelines and protocols to ensure that our employees and persons who transact business in our offices are protected against the coronavirus,” ani Morente.
Pero binigyang diin ni Morente na dahil pa rin sa nagpapatuloy na panganib na dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19), patuloy naman umanong tatalima ang kanilang mga tauhan sa ilang work schemes at arrangements para mapanatili ang social distancing at congestion sa kanilang workplace.
Kabilang sa mga work schemes ay ang staggered working hours, skeleton force, four-day workweek at work-from-home arrangements para sa mga seniors at mayroong hindi magandang medical conditions na mga empleyado.
Kung maalala sinuspindi ng BI ang kanilang operasyon sa kanilang mga opisina sa Metro Manila at Luzon dalawang buwan na ang nakakalipas matapos ilagay sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa COVID-19 outbreak.