Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala pa sa second wave nang infection ng pandemic na coronavirus disease (COVID-19) ang Pilipinas.

Ito ay sa gitna ng mataas pa ring bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa sa nakalipas na mga linggo.

Sa virtual presser ng DOH kanina sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi maituturing na generalized o malawak na community transmission ang mga bagong kaso ng community transmission ng sakit.

Nilinaw ng opisyal na sa kabila ng mataas pa ring numero ng COVID-19 new cases ay nananatiling malakas ang health system capacity ng bansa para umalalay sa mga tinamaan ng pandemic.

“Ang local transmisson na tinutukoy natin na sanhi ng mga bagong kaso ay hindi generalized community transmission sa buong bansa. Sa halip, concentrated sa ilang lugar tulad ng National Capita Region at Central Visayas, lalong-lalo na sa Cebu.”

“Bagamat mayroon tayong mga bagong kaso sa mga lugar na ito, base sa ating mga indicators na ating ginagamit like the case doubling time and critical care utilization rate, ay sapat na ang kakayahan ng ating healt system upang tugunan ito sa ating current situation.”

Nitong araw pumalo na sa 26,781 ang total COVID-19 cases sa Pilipinas dahil sa 364 na mga bagong kaso.

Ang numerong ito ay binubuo ng 249 ang fresh cases at 115 late cases.