-- Advertisements --

Pina-contempt ng House joint panel na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga iregularidad sa PhilHealth ang isang Koronadal-baed neurologist dahil sa pag-aakusa nito sa isang kongresista na bumabatikos sa kanya.

Sa pagdinig ng House committees on public accounts at good government and public accountability, pina-contempt ni Minority Leader Benny Abante si Dr. Mark Dennis Menguita.

Ito ay matapos na sabihin ni Menguita na nagsisinungaling sa Kongreso si Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat nang sabihin nito ang kanyang alegasyon laban sa naturang doktor.

Ayon kay House Committee on Public Accounts chairman Mike Defensor, hindi pinapahintulutan ang mga resource persons na gumawa ng anumang akusasyon laban sa mga miyembro ng Kamara.

Dahil dito, hiniling ni Abante sa komite na i-contempt si Menguita dahil sa pag-aakusa nito laban kay Cabatbat sa gitna ng pagdinig.

Sa mga naunang bahagi ng pagdinig, sinabi ni Cabatbat na nagbabayad si Menguita ng recruiters para maghanap ng mga PhilHealth members na mag-avail ng kanyang libreng wellness program kapalit ang pananatili o pagtulog sa ospital.

Pagkatapos nito ay gagawa aniya si Menguita ng pekeng diagnosis para ipakita kunwari na ang mga nag-avail ng kanyang wellness program ay nakakaranas ng malalang sakit para makakuha ng malaking claims sa PhilHealth.

Sinabi ni Cabatbat na apat na ospital ang kasabwat ni Menguita sa modus niyang ito.

Inaakusahan din ng kongresista si Menguita na siyang nasa likod nang pagpaslang sa isang Dan Joseph Alas, na naghain ng kaso laban sa nasabing doktor.