Umabot sa ₱98.6 milyon ang pinagsamang net worth o kabuuang yaman nina Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio sa kanilang 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ito ay mas mataas ng mahigit ₱10 milyon mula sa ₱88.5 milyon noong 2024.
Nakasaad sa SALN na mayroon silang ₱81.3 milyong real properties, ₱41.4 milyong personal properties, at ₱24.1 milyong liabilities o kabuuang pananagutan.
Mula sa P41.4 million halaga ng personal properties, ₱7.4 million at ₱4.8 million ay binubuo ng motor vehicles nina VP Sara at Atty. Carpio.
Habang ang ₱16 milyon para kay Duterte at ₱10.8 milyon para kay Carpio ay nakapaloob sa kategoryang “others.”
Idineklara rin ni Duterte na siya ay incorporator at stockholder ng Metro City Chow Foods mula 2007 at stockholder ng Gencorp Industries Inc. mula 2013.
Nauna nang kinuwestiyon ng ilang mambabatas ang kanyang pagiging board member at stockholder ng Metro City Chow Foods mula 2022 hanggang 2025, na ayon kay Cagayan de Oro 1st District Representative Lordan Suan ay maaaring lumabag sa probisyon ng 1987 Constitution na nagbabawal sa Bise Presidente na humawak ng ibang posisyon habang nasa panunungkulan.
















