-- Advertisements --

Naniniwala si dating Integrated Bar of the Philippines (IBP) President Egon Cayosa na maaaring maging ‘risky’ o mapanganib para sa House Prosecution panel ang pagpapatawag kay Col. Raymund Dante Lachica.

Si Lachica ang nagsilbing Security Officer ng Office of the Vice President (OVP) na itinuturong tumanggap ng mga intelligence fund ng naturang opisina.

Ang kaniyang pangalan ay maraming beses na nabanggit sa testimoniya ng ilang OVP officials na nagsisilbing testigo ng House.

Ayon kay Cayosa, maaaring maging risky para sa prosecution ang Lachica bilang witness kung wala silang sapat na dokumento o iba pang ebidensiya para kontrahin kung sakaling maging ‘evasive’ o inconsistent ang magiging testimonya ng military officer.

Tiyak kasi aniyang magiging ‘hostile’ witness si Lachica kung sakaling tetestigo siya sa korte dahil kakampi siya ng pangalawang pangulo, kaya’t hindi rin malayong magiging evasive ang kaniyang testimoniya.

Sa kasalukuyan, maaaring naghihintay muna aniya ang House panel ng mga dokumentong magsisilbing panangga at makapagpapatibay sa kanilang kaso sakaling ipresenta nga si Lachica at hindi siya sasagot nang maayos.

Kung babalikan, una na ring nagpahayag ang mga senator-judge ng kanilang pagnanais na paharapin si Lachica sa impeachment court matapos ang maraming beses na pagkakabanggit sa kaniyang pangalan. (report by Bombo Genesis Racho)