Hinikayat ni Sen. Christopher “Bong” Go ang mga kabataan na bawasan ang oras sa social media at gadgets at sa halip ay mas makilahok sa sports at iba pang makabuluhang gawain upang mahubog ang disiplina, tiyaga at pagiging matatag.
Bilang chairman ng Senate Committee on Sports, sinabi ni Go, na maaaring magsilbing positibong outlet ang sports para as mga kabataan at makatulong sa paghubog ng mga pagpapahalagang magagamit nila kahit lampas sa larangan ng palakasan.
“Mas dapat nating hikayatin ang mga kabataan na lumabas, maglaro, at mag-sports kaysa buong araw na nakatutok sa social media at gadgets. Mas maraming oras sa court, sa field, o sa playground; mas kaunting oras sa screen,” ani Go.
Nilinaw ng senador na hindi layunin ng kanyang panawagan na ipagbawal ang teknolohiya o social media. Aniya, makatutulong ang sports upang mailayo ang kabataan sa karahasan, bisyo at iba pang negatibong impluwensiya.
Patuloy na isinusulong ni Go ang pagpapaunlad ng grassroots sports at mas malawak na access sa mga programang pampalakasan para sa mga bata at kabataan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang dapat ituring ang sports bilang daan tungo sa pagiging isang competitive athlete. Maaari rin itong maging praktikal na paraan upang mapabuti ang pisikal na kalusugan at pangkalahatang kapakanan ng mga kabataan.
















