-- Advertisements --

Inamin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ngayong taon pa lamang matatapos ang feasibility study sa dati pang binabalak na Negros-Panay-Guimaras Inter-Island Bridge.

Nabatid na matagal na ang nasabing planong tulay na magdurugtong sa nasabing isla sa Visayas para mapadali ang transportasyon at hindi lang aasa ang mga mamamayan sa ferry boat.

Naungkat ang plano matapos ang nangyaring trahedya sa Iloilo-Guimaras Strait kung saan mahigit 30 katao ang namatay sa magkakasunod na paglubog ng pampasaherong bangka noong weekend.

Sinabi ni Ana Mae Lamentillo, chairperson ng Build, Build, Build Inter-Agency Committee, matagal at masalimuot talaga ang ginagawang pag-aaral sa ganitong inter-island link bridges dahil inaalam pa kung saang banda ng karagatan pinakamainam itayo ang istruktura.

Ayon kay Lamentillo, prayoridad naman ng administrasyon ang proyekto lalo ang mag-uugnay sa Iloilo at Guimaras.

Maliban dito, ilan pang inter-island bridges ang nasa pipeline sa Build, Build, Build program ng Duterte administration lalo sa Visayas at Mindanao.

“So ito po ‘yung ating Philippine High Standard Highway Network Plan, it’s a total of 1,049 kilometers; it includes iyong Luzon Spine Expressway Network, iyong Cebu High Standard Highway Expressway Network and the Davao High Standard Highway Network,” ani Lamentillo.