BACOLOD CITY – Disiplina lamang sa sarili ang sikreto ng Negrense boxer na nakapasok sa semi-finals ng men’s boxing flyweight division sa nagpapatuloy na Southeast Asian (SEA) Games 2019 matapos nitong talunin ang Indonesian boxer sa majority decision na 4-1.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Rogen Ladon na tubong Bago City, Negros Occidental, labis ang kasiyahan nito na nanalo siya sa elimination round kontra kay Aldoms Sugoro.

Inaalay nito ang kanyang panalo sa Diyos, sa bansa at sa kanyang pamilya.

Umaasa rin si Ladon na patuloy siyang suportahan ng mga Filipino sa semi-finals sa Disyembre 8 laban sa Singapore.

Sa panayam sa coach ni Ladon na si Roel Velasco, sinabi nitong madali lang turuan ang boksingero kaya hindi rin mahirap ang manalo para sa kanya.

Hindi naman nagpapakampante si Velasco ngunit tiwala siyang makukuha ni Ladon ang gold medal sa flyweight division.

Napag-alaman na si Coach Roel ay kapatid ng isang ring Bagonhon at Olympian na si Onyok Velasco.