BAGUIO CITY – Tinututukan na ng mga otoridad ang kaso ng isang suspek na large scale scammer na diumano ay biktima ng kidnapping.

Ayon sa Baguio City Police Police Office (BCPO), nagpatulong sa kanila ang isang lalaki matapos makatanggap ng text message mula sa live-in partner nito na nakidnap daw.

Nakilala ang nasabing lalaki na si Oscar Sabado, 55-anyos na taxi driver, tubo ng Luna, La Union pero residente ng Middle Quirino Hill, Baguio City.

Nakilala naman ang kinakasama nito na si Christinelym Braniaros Dela Cruz, 31-anyos na businesswoman at tubong General Santos City.

Ayon sa mga pulis, nakasaad sa text na natanggap ni Sabado na tatlong hindi pa nakikilalang lalaki ang nangkidnap sa kanyang live-in partner kung saan nakarating na ang mga ito sa Burgos, La Union.

Kaagad namang nagsagawa ang pulisya ng follow-up investigation kung saan dito na napag-alaman na si Dela Cruz ay suspek sa isang large scale scam at aabot na sa 16 na indibidwal ang nabiktima nito.

Dahil dito, tiniyak ng Baguio City-Philippine National Police ang malalimang imbestigasyon sa kaso para sa pagkahuli ng suspek at para malaman ang totoong sinapit nito.