-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Dinakip ng mga kasapi ng City of Ilagan Police Station ang isang businessman matapos masamsaman ng hindi lisensyadong baril .

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, kaagad na nagsagawa ng operasyon ang City Of Ilagan Police Station matapos makatanggap ng impormasyon na pagdadala ng baril ng suspect na si Bernardo Cabanilla, 51 anyos, negosyante at residente ng Brgy Fuyo, Ilagan City ng isang hindi lisensyadong baril.

Batay sa nakuhang impormasyon ng pulisya mula sa mga concerned citizen, nakita ang suspect na nakasuot ng itim na sando at camouflage na shortpants na naglalakad sa gilid ng irigasyon na nakabibit ng homemade shotgun na loaded ng tatlong bala.

Sa pakikipag-ugnayan naman ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek , inamin nitongsiya ay nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin nang lumabas sa kanilang tahanan.

Sinabi niya na hindi sa kanya ang shotgun kundi ito ay pagmamay-ari ng kanyang nakainuman.

Kaya umano niya bitbit ang nasabing shotgun na walang kaukulang lisensiya ay dahil isasauli niya ito sa nagmamay-ari.

Paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunitions) ang kasong kakaharapin ng suspect.