CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang negosyante sa pananambang sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Tato Kebpi, 44, may asawa, fish vendor at residente ng Barangay Buliok, Pikit, North Cotabato.

Ayon kay Pikit chief of police Major Mautin Pangandigan na habang sakay ang biktima sa pampasaherong habal-habal na motorsiklo sa Brgy Inug-ug, Pikit, Cotabato ay bigla lamang itong pinagbabaril ng mga hindi kilalang suspek gamit ang kalibre .45 na pistola.

Nahulog sa motorsiklo ang biktima at swerteng hindi tinamaan ang driver habang mabilis na tumakas ang mga suspek sakay rin ng motorsiklo.

Naisugod pa ang biktima sa Cruzado Medical Hospital sa bayan ng Pikit ngunit binawian din siya ng buhay.

Personal na alitan o rido ang natatanaw ng mga otoridad sa pamamaril patay sa biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.