Inaasahang makipagkita ngayong araw, Hunyo 29, si Negros Oriental Governor Manuel “Chaco” Sagarbarria kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia para sa isang close-door meeting kaugnay sa African Swine Fever ng lalawigan.
Kabilang pa sa pag-uusapan ng dalawang lider ay ang posibleng pagbubukas ng mga borders para sa pagpasok at paglabas ng mga live hogs, pork meat products at byproducts sa parehong probinsya sa kabila ng presensya ng ASF.
Inihayag ni Sagarbarria na ang mga hog farmers sa kanilang lalawigan ay nahihirapan na umanong magpadala ng kanilang baboy at mga karne sa ibang mga lalawigan at rehiyon dahil sa ASF color-coding at mapping zones.
Ibinunyag pa nito na may panahon pa na umabot sa P90 ang kilo mga baboy doon at umaaray na ang mga negosyante.
Kaya naman, umaasa ang opisyal na pagbigyan ni Garcia ang apela nito na payagan ng makapasok ang kanilang mga baboy sa Cebu partikular sa mga green zones.
Handa naman umano itong magbigay ng mga kinakailangang dokumento o kung ano pa man na dapat i-provide para lang matulungan ang mga nag-aalaga ng baboy.
Nasa Cebu si Sagarbarria simula pa kahapon, Hunyo 28, para sa 25th Regional Association of Development Information Officers (RADIO-7) Convention.
Sa nasabing kaganapan, binanggit ng gobernador ang kahalagahan ng digital information sa paghahatid ng mapagkakatiwalaan at mapagkukunan ng tamang impormasyon.
Nag-aalok din ang opisyal na mag-host ng RADIO-7 Convention sa susunod na taon at tinitiyak sa publiko na mapayapa at maganda ang Negros Oriental.
Humingi din ito ng tulong at suporta para palakasin muli ang turismo at imahe ng lalawigan.