VIGAN CITY – Mahigpit na inalerto ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang kanilang mga local counterparts hinggil sa nangyaring panibagong pagyanig sa Mindanao kaninang umaga.
Sa tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang panibagong lindol na sumentro muli sa Tulunan, Cotabato, ay may lakas na magnitude 6.5 at umabot sa Intensity 7 ang naramdaman sa Tulunan, Cotabato; Kidapawan City at Bansalan, Davao del Sur.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC-Office of Civil Defense spokesman Mark Timbal na tuloy-tuloy ang kanilang monitoring sa mga niyanig ng panibagong lindol na naramdaman sa nasabing rehiyon.
Aniya, naka-antabay ang kanilang opisina sa mga development ng operasyong isinasagawa ng mga local disaster units sa mga lugar na niyanig ng lindol kaugnay sa tulong na kanilang ipapadala.
Hinimok naman ni Timbal ang publiko, lalo na ang mga nasa Mindanao, na manatiling kalmado ngunit maging alerto sa lahat ng oras.