LEGAZPI CITY – Kinondena ng hanay ng National Democratic Front (NDF) sa Bicol ang inilabas na larawan ng Philippine Army kamakailan kung saan in-edit umano at ginamit ang dating imahe ng mga rebelde para sa ulat nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Ka Maria Roja Banua, tagapagsalita ng NDF-Bicol, na tila binabaluktot ng militar ang katotohanan para mapuri ang kanilang hanay.
Kamakailan nang ilabas ng 9th Infantry Division ng militar ang larawan umano ng 300 rebelde na sumuko sa Masbate.
Pero nabatid na larawan ito ng 2nd Infantry Batallion, gayundin na edited ang mga ito.
Agad umani ng negatibong reaksyon at kritisismo mula sa mga netizens ang ulat ng litrato, kaya naman nagpaliwanag sa hiwalay na panayam si Maj. Ricky Aguilar, tagapagsalita ng 9th ID.
Ayon sa opisyal walang masamang intensyon ang kanilang hanay, gayundin na linlangin ang publiko dahil usapin ng seguridad at kaligtasan lang daw ang punto ng kanilang naging hakbang.
Humingi ng dispensa ang militar sa naging pagkakamali, pero iginiit na may mga rebeldeng sumuko sa naturang lalawigan.
Handa rin daw silang iharap ang mga ito sa hanay ng media sa Enero.