-- Advertisements --

Binigyan ng isang linggong palugit ni National Capital Region Police Office chief PMGen Edgar Alan Okubo ang Caloocan City Police Station para sa isinasagawang imbestigasyon nito sa kamakailan lang na pag-atake sa himpilan ng Northern Police District – Drug Enforcement Unit at CIDG North Metro Manila District Field unit na naganap nitong Mayo 20, 2023.

Kasabay nito ay inatasan na rin ni Okubo si Northern Police District director PBGEN Ponce Rogelio Peñones na sibakin sa puwesto ang ilang tauhan ng nasabing unit kabilang na ang mismong hepe ng NPD DDEU na si PLTCOL Michael Chavez; NPD DDEU Assistant Chief PMAJ Dennis Odtuhan; at Sub Station 4 commander PCAPT Ivan Rinquejo upang magbigay daan sa kasalukuyang isinasagawang masusing imbestigasyon hinggil sa naturang pag-atake.

Kaugnay nito ay mariin ding kinondena ng NCRPO ang nangyaring pamamaril at paghahagis pa ng bomba sa nasabing tanggapan ng pulisya na naglagay sa pangunanib ng mga buhay hindi lamang ng kapulisan kundi pati na rin sa bhay ng ilan sa ating mga kababayan na naroon sa nasabing lugar nang maganap ang naturang insidente.

Ayon kay Okubo ay hindi nito kailanman pahihintulutan ang mga indibidwal na magdulot ng sakuna laban sa kaligtasan at seguridad sa rehiyon.

Samantala, hinimok naman ng hepe ng NCRPO ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan para sa anumang impormasyong maaari nitong ibahagi para sa agarang pagkakalutas at pagkakahuli ng mga taong may kinalaman dito.

Matatandaang una nang sinabi ni NPD director Police Brigadier General Rogelio Peñones na sa ngayon ay mayroon na silang tatlong persons-of-interest at anggulong paghihiganti ang nakikitang motibo ng mga ito nang dahil sa pagkakaaresto ng ilang kriminal mula sa ikinasang mga operasyon ng mga otoridad laban sa illegal drugs at high-value drug targets.