Muling aapela sa national government ang Metro Manila mayors na magpatupad ng mas mahigpit na quarantine restrictions sa National Capital Region ngayong sinasabi ng ilang mga eksperto na posibleng magkaroon ulit ng panibagong surge dahil sa Delta coronavirus variant.
Sinabi ito Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Benhur Abalos kahit pa nagdesisyon kagabi ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na palawigin lamang ang general community quarantine “with heightened restrictions” sa rehiyon.
Ayon kay Abalos, ito pa rin ang desisyon ng mga alkalde sa Metro Manila kaya haharap ulit siya sa IATF ngayong araw para i-apela ang mas mahigpit na quarantine restrictions sa NCR.
Magugunita na bago pa man ianunsyo ng IATF ang desisyon nito kagabi ay sinabi na ni Abalos na kinukonsidera ng mga alkalde sa NCR na magpatupad ng dalawang linggo na enhanced community quarantine.
Ito ay kung matitiyak pa rin ng national government na mabibigyan ng ayuda ang mga maapektuhan ng lockdown habang sinusolusyunan ang pagsirit ng growth rate ng COVID-19 sa rehiyon.