-- Advertisements --

Isasailalim sa full alert status ang buong National Capital Region (NCR) simula sa Lunes kasabay ng pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Kinumpirma ito ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief PMGen. Anthony Aberin.

Aniya, mula sa kasalukuyang heightened alert status, muling itataas ang antas ng kahandaan ng pulisya matapos ang tatlong araw na kilos-protesta ng Iglesia ni Cristo (INC).

Ayon sa NCRPO, naging pangkalahatang mapayapa ang mga isinagawang pagtitipon ng INC sa kabila ng tensyon na naitala sa unang araw ng rally sa EDSA People Power Monument.

‘Wala rin umanong naitalang malubhang insidente o aksidente nang ilipat ang kilos-protesta sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na nakahanda na ang lahat ng security preparations para sa impeachment trial ng bise presidente.

Aabot sa 6,000 pulis ang idedeploy sa paligid ng Senado upang tiyakin ang kaayusan at seguridad sa pagbubukas ng paglilitis.

Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co, iniutos ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa lahat ng mga pulis na manatiling disiplinado, walang kinikilingan, at nakatuon sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.

Binigyang-diin ni Nartatez na ang pagtataas ng alert status ay bahagi ng patuloy na pagtataya ng pulisya sa sitwasyon upang matiyak na sapat ang mga hakbang sa seguridad habang iginagalang ang karapatan ng mamamayan.