-- Advertisements --

Nilinaw ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na hindi maaaring isilbi ang arrest warrant sa mga abogado ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na pinaghahanap na ng mga awtoridad sa gitna ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

Iginiit ng NBI Director na dapat isilbi ng personal ang naturang warrant sa indibidwal na inaaresto, salig na rin sa nakasaad sa Rules of Court.

Saad ni Matibag, hindi niya batid kung saan nanggaling ang ideya na ibigay ang naturang warrant sa kaniyang abogado at ito ang magsisilbi sa senador. Posible aniyang nagkaroon ng mix-up sa mga naunang inisyung subpoena, summon at ng warrant.

Ginawa ng NBI Chief ang paglilinaw sa gitna ng kumalat na video ng abogado ni dela Rosa na si Atty. Jimmy Bondoc sa isa sa panayam sa kaniya, na maaaring islbi ang ICC arrest warrant sa mga abogado ng senador.

Inalala ng abogado ang tangkang pagsilbi noong Mayo 11 ng arrest warrant kay dating Senador Antonio Trillanes IV. Nanindigan din si Atty. Bondoc na hindi maaaring ipatupad ang ICC warrant maliban na lamang kung ito ay ipag-utos ng Korte Suprema.