Naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang suspek sa kasong large-scale estafa matapos umanong mangako ng P20-milyong loan kapalit ng mga mamahaling gamit.
Kinilala ang mga suspek na sina Maverck Das Punjabi at Jazpher Macaraig Rayos na naaresto sa Pasay City matapos ang reklamong isinampa ni Manjinder “James” Kumar, President ng Filipino-Indian Commerce and Welfare Society Inc. (FICWSI).
Ayon kay Kumar, ginamit umano ng mga suspek ang kanyang pangalan upang makapanloko. Isa sa mga nabiktima ang nagbigay ng Hermes Birkin bag na nagkakahalaga ng P500,000 bilang “facilitation fee,” subalit humingi pa umano ng karagdagang mamahaling alahas ang mga suspek.
Sa tulong ng NBI-National Capital Region, nagsagawa ng entrapment operation na nagresulta naman sa pagkakaaresto ni Punjabi. Sumunod namang naaresto si Rayos sa isang hot pursuit operation.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong large-scale estafa, paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012, at computer-related identity theft.