Lumabas sa pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros na naging talamak ang prostitusyon sa bansa ng dumami ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sa naturang pagdinig inusisa ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang National Bureau of Investigation (NBI) kung may katotohanan ba na naging talamak ang prostitusyon sa bansa simula ng dumagsa ang POGO.
Agad namang sinagot ito ni NBI Deputy Director for Special Investigation Services Vicente De Guzman na iba ang kalakaran ngayon ng sistema ng operasyon sa prostitusyon kung saan idinadaan sa online ang pagkuha ng mga babae kung saan karamihan sa mga kliyente ay pawang Chinese nationals na mga nagtratrabaho sa POGO.
Muling tinanong ni Drilon si De Guzman na kung noong wala pang POGO sa Pilipinas ay ganito rin katindi ang prostitusyon, pero mabilis naman ang naging sagot ng opisyal ng NBI na simula lang nang dumagsa ang POGO naging madalas na ang kanilang operasyon dahil talamak na ang prostitusyon.
Kaugnay nito ipinakita naman ni Hontiveros sa naturang pagdinig ang screenshot ng chat group ng mga Chinese ukol sa pagbebenta ng mga kababaihan.
Sa palitan ng mga text messages inaalok ng mga kliyenteng chinese ng tila mga pagkain sa mga fastfood chain sa halagang P3,000 hanggang P12,000.
Lumalabas na kasama rin sa serbisyo ang paliligo, pagmasahe at sex .
Batay naman sa impormasyon na nakuha ni Hontiveros mga menor de edad ang mga kabataang Filipina na kinukuha ng mga chinese na magtrabaho subalit ibinebenta sila sa mga chinese customers.
Ibinulgar pa ni Hontiveros na maari rin mamili ang mga kliyente ng nationality ng mga babaeng nais na makapiling mula Chinese, Russian at Korean na mula P13,000 hanggang P45,000.
Aniya pa ng senadora na tulad ng ibinulgar ng NBI online din ang pag-alok para sa serbisyo na ginagawa sa isang hotel sa Ongpin sa Lungsod ng Maynila.
Dagdag pa ni Hontiveros, ibinebenta ang mga babae sa kliyenteng Chinese na “Parang Grab Food, may menu, may presyo,” tinatawag din ang mga babae na new car at new tea kapag bago.