-- Advertisements --

Opisyal nang isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Ombudsman ang resulta ng imbestigasyon kaugnay ng dalawang hinihinalang ghost flood control projects sa ikatlong distrito ng lalawigan ng Cebu.

Sa panayam kay NBI Director Melvin Matibag sa kanyang pagbisita sa Cebu noong Sabado, kinumpirma niyang natapos na ng ahensya ang masusing imbestigasyon.

Aniya, kasalukuyan nang sinusuri ng mga piskal ang mga nakalap na ebidensya upang matukoy kung may sapat na batayan para sa pormal na pagsasampa ng kasong kriminal sa korte.

Binigyang-diin ni Matibag na nasa mga prosecutor na ang pagpapasya batay sa pamantayan ng reasonable certainty of conviction. Dalawang kaso sa Cebu ang natapos nang imbestigahan at naipasa na sa tanggapan ng piskalya para sa kaukulang ebalwasyon.

Bagama’t iginiit ng opisyal na matibay ang mga ebidensyang hawak ng NBI, na patuloy pa nilang dinaragdagan upang lalo pang mapalakas ang kaso, tumanggi muna siyang pangalanan ang mga indibidwal at partikular na mga munisipalidad na umano’y sangkot sa anomalya.

Matatandaang unang isinapubliko ng NBI ang naturang iskandalo noong Hunyo 30, 2026, kasunod ng pagsisimula ng imbestigasyon noong Disyembre 2025 bunsod ng mga ulat ng iregularidad sa Barangay Singsing, Balamban.

Batay sa pagsusuri ng mga eksperto, ang contract coordinates ng isa sa mga proyekto ay hindi tumutugma sa aktuwal na lokasyon ng anumang istruktura.

Dahil dito, inirekomenda ng NBI ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga kontratista at ilang tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa panig ng DPWH, iginiit ng kagawaran na hindi nawawala ang proyekto kundi inilipat lamang ito sa karatig na barangay.

Samantala, mariing itinanggi ni dating Cebu 3rd District Congressman Pablo John Garcia ang mga alegasyon.

Ayon sa kanya, walang katotohanan ang paratang na ghost projects ang mga flood control structures sa bayan ng Balamban.