-- Advertisements --
image 2

Naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng kanilang ikalawang batch ng mga rekomendasyong kaso sa Office of the Ombudsman kaugnay sa imbestigasyon ng lumubog na MT Princess Empress na nagdulot ng malawakang oil spill sa Oriental Mindoro noong nakalipas na Pebrero ng kasalukuyang taon.

Kabilang sa inirekomendang kaso ng NBI Environmental Crime Division ang paghahain ng RA 3019 o ang Anti-Graft & Corrupt Practices Act laban sa 36 respondents kabilang dito ang may-ari at crew ng MT Princess Empress, mga opisyal at personnel ng Marina at Philippine Coast Guard (PCG).

Lumalabas kasi sa imbestigasyon ng NBI na nakatanggap ang may-ari ng lumubog na motor tanker na RDC Reield Marine Services ng unwarranted benefits sa pagrehistro ng tanker sa Marina sa kabila ng pagsusumite nito ng palsipikadong dokumento at hindi pagtalima sa standard requirements.

Ayon pa sa NBI, kwestyonable ang certification ng oil tanker dahil lumalabas sa kanilang imbestigasyon na refurbished sa Navotas ang naturang tanker at hindi bagong gawa mula sa Bataan gaya ng idineklara ng Marina at RDC Reield Marine Services.

Kabilang din sa complaint ang isang PCG official at 19 na personnel dahil sa kabiguang inspeksyunin ang tanker bago ito maglayag.

Inirekomenda din ang kasong grave misconduct at neglect in the performance of duty sa ilalim ng Revised Rules on Administrative Cases in the Civil Service laban sa mga opisyal at personnel ng Marina at PCG.