-- Advertisements --

Pinaplantsa na ng pamunuan ng NBA ang kanilang mga paghahanda hinggil sa usaping pinansyal matapos silang abisuhan na posibleng sa Hunyo pa ang pinakamaagang buwan kung kailan nila maaaring ituloy ang kanilang operasyon.

Una rito, lumabas ang ulat na inihayag ni dating US Surgeon General Vivek Murthy, na kasama sa conference call ng NBA board of governors nitong Martes (Miyerkules, Manila time), na posibleng tumagal pa bago tuluyang makabangon ang Amerika mula sa epekto ng coronavirus pandemic.

Sinasabing kumikilos na ang liga upang dagdagan ng $550-milyon ang kanilang credit line, para tumaas ito ng hanggang $1.2-bilyon, bilang pambayad sa kanilang mga gastusin habang umiiral ang shutdown.

Umaasa naman umano ang mga teams na magbibigay na ng petsa ang NBA kung kailan posibleng ituloy nito ang season, mapa-regular season at postseason, o playoffs lamang.

Ngunit hindi naman daw nagmamadali ang liga sapagkat hinihintay pa raw ng mga team owners ang kalkulasyon sa potensyal nilang lugi.

Samantala, kabilang sa mga opsyon na ikinokonsidera ng NBA ay ang tuluyang pagkansela sa season, pagtuloy nito ngunit walang mga manonood, o paghihintay hanggang playoffs para payagan ang mga fans sa playing venues.

Kasama rin sa pinag-aaralang pagbabago ay ang pagpapaikli sa haba ng playoff series.