-- Advertisements --

Arestado ang apat na estudyante sa Hong Kong na di-umano’y kasapi ng isang kilalang pro-independence group sa lungsod.

Ito’y isang buwan makalipas ipatupad ang kontrobersyal na national security law sa kabila nang mariing pagtutol dito ng nakararami.

Ayon sa mga pulis, hinuli nila ang tatlong kalalakihan at isang babae na may edad 16-21 taong gulang dahil sa hinalang may balak na magsimula ang mga ito ng kaguluhan sa naturang teritoryo.

Sinabi ni Li Kwai-wah, opisyal ng bagong tatag na national security unit, base umano sa kanilang sources at imbestigasyon ay nabatid na kamakailan lamang nang inanunsyo ng mga suspek sa pamamagitan ng kanilang social media accounts na magtatayo sila ng isang organisasyon upang isulong ang kalayaan ng Hong Kong.

Kinumpiska rin ng mga otoridad mula sa mga estudyante ang kanilang computers, telepono at mga dokumento.

Magugunita na nagdulot ng takot sa mga taga-Hong Kong ang national security law na tila sumira sa 50 taong pangako ng kalayaan at otonomiya ng lungsod mula sa China sa ilalim ng “One Country, Two Systems” framework.