Bumaba umano ng 47% ang crime volume sa Pilipinas simula noong ipatupad ang nationwide lockdown sa loob ng anim na buwan dahil sa coronavirus pandemic.
Sinabi ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na base sa datos mula Philippine National Police (PNP) ay 16,879 na krimen lamang ang naitala nila simula noong Marso 17 hanggang nagyon.
Ang nasabing bilang ay di hamak na mas mababa kaysa sa 31, 161 crime incidents na naitala ng mga otoridad simula noong Setyembre 2019 hanggang sa unang linggo ng Marso 2020.
Bumaba rin ng 61 percent ang kaso ng pagnanakaw, 24 percent naman sa rape cases, 22 percent sa murder cases at maging ang pagnanakaw ng motorsiklo o sasakyan ay bumaba rin ng 66 at 61 percent.
Ayon kay Año, ang pagbaba ng krimen sa Pilipinas ay dahil na rin sa pagiging alerto ng mga pulis at maayos na koordinasyon nito sa local govenment units (LGU).