-- Advertisements --
image 238

Kinuwestiyon ni top security adviser Clarita Carlos ang sinseridad ni Chinese President Xi Jinping na magkaroon ng mapayapang negosasyon sa territorial dispute sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ito ay kasunod ng panibagong maritime incident sangkot ang Chinese Coast Guard at Philippine Navy dahil sa isang unidentified floating object na nadiskubre malapit sa Pag-asa island.

Bago kasi ang naturang insidente nagkaroon pa ng pagpupulong sina Chinese President Xi Jinping at Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa sidelines ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand kung saan ipinangako ng Chinese President ang pagpapanatili ng isang constructive engagement at critical dialogue sa Pilipinas para maresolba ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang bansa kaugnay sa usapin sa West Philippine Sea.

Bagamat itinanggi na ng Chinese Embassy na nakabase sa Manila ang pwersahang pagkumpiska umano sa nadiskubreng metal debris mula sa Philippine Navy, kinumpirma naman ni Carlos na nakarinig ng ilang serye ng pagsabog sa Zamora (Subi) reef matapos ang insidente.

Ang Zamora reef ay isang artificial island na itinayo ng China sa may Kalayaan island group o Spratly islands na nasa 26 km west ng Pag-asa island.

Ayon din sa Kalayaan municipal Police na malakas ang pagsabog na narinig ng mga residente mula sa Pag-asa island at naniniwala ang mga ito na nanggaling ito mula sa artillery guns o weapons.

Kaugay nito, sinabi ni NSA Carlos na kaniya na inulat sa Pangulo ang naturang insidente at inirekomenda ang paghain ng note verbale laban sa China gayundin ang pagsasagawa ng serye ng dayalogo sa pagitan ng China at Pilipinas.