Isasabay sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Learning Camp (NLC) na naglalayong tugunan ang ilang suliranin sa pagkatuto ng mga mag-aaral.
Ayon sa Department of Education (DepEd), bahagi ito ng pinalawak na mga agenda na nakapaloob sa National Learning Recovery Program (NLRP).
Ito’y kahit may mga grupong kumukontra dito dahil wala na raw pahinga ang mga guro mula sa katatapos lamang na mga aktibidad sa pagtatapos ng school year 2022-2023.
Giit ng ahensya, boluntaryo naman ang pagsali sa programa at walang sapilitang mangyayari.
Isa sa pangunahing target ng kagawaran ay pahusayin ang mga resulta ng pagkatuto at pagsuporta sa mga guro na magturo nang mas mahusay na sistema.
Ang learning camp ay tatagal nang tatlo hanggang limang linggo, mula Hulyo 24 hanggang Agosto 25, 2023.
Dito ay may tatlong araw na pakikipag-ugnayan ang mga guro sa kanilang mag-aaral at dalawang araw namang nakatuon sa pagtutulungan at kasanayan sa pamamagitan ng Learning Action Cell (LAC) session sa mga tagapagturo.
Ang NLC ay isang boluntaryong programa na magsisimula sa phased na pagpapatupad nito sa Grades 7 at 8 na nakatuon sa English, Science at Mathematics.
Ang mga paaralan ay maaari ding magsagawa ng iba pang aktibidad sa panahon ng break gaya ng Reading and Mathematics Program para sa Grades 1 hanggang Grade 3 at mga aktibidad sa pagpapayaman sa iba pang grade level kasabay ng pagpapatupad ng learning camp upang suportahan ang pagkatuto sa mga grade levels.