Mga nanay, tatay, kuyang driver o mga nag-cocomute araw araw, kaya pa ba ang taas ng presyo ng mga bilihin o kaya naman ay binibiling produktong langis?
Narito, nagbigay ng payo ang National Economic and development Authority (NEDA) sa mga consumer ngayong nakaamba nanaman ang pagsipa pa ng inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
Ayon kay NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon, nasa kamay nating mga consumers para makontrol ang lalo pang pagsipa ng inflation sa bansa.
May dalawang paraan aniya para matugunan ang mataas na inflation.
Una ay pagpapababa ng demand at ikalawa ang pagpapataas sa produksiyon.
Sa usapin sa demand, payo ng NEDA official na bawasan ang sobrang paggastos.
Pagdating naman sa suplay mayroong programa ang gobyerno para palakasin ang produksiyon.
Payo din ng opsiyal sa mga consumers na sa pagdiriwang ng Pasko at holiday celebration gawing simple lamang.
“Dalawa ang pwedeng gawin. Isa, babaan ng kunti ang demand kung halimbawa may sobra-sobra eh di bawasan natin. Pangalawa is taasan natin yung produksiyon, in terms of production, ang una namin na gustong maitaas ang production ng pagkain natin para mapababa yung presyo, yung nasa tamang lang para maging affordable sa bawat isa”, saad pa ni NEDA USec. Rosemarie Edillon.
Samantala, kaniya-kaniya naman ng diskarte ang ating mga kababayan sa paghihigpit ng sinturon ngayong nagtaas ang presyo ng ilang mga bilihin sa merkado gayundin sa mga produktong petrolyo na nakaamba na namang magkaroon ng umento.
Mula sa mga pasahero, pahenante at driver ng mga cargo na halos araw-araw bumabiyahe, nagpapakarga ng krudo, gayundin ang ilang mamimili na todo tipid din kung paano pagkakasyahin ang kanilang budget para sa pang-araw araw na pangangailangan.
Narito ang ilan sa ibinahaging tipid tips na ginagawa ng ilan sa ating mga kababayan
“Sa ngayon tataas yung gasolina, make sure lang na yung biyahe efficient… madadaanan na sa isang daan lang yung mga plano namin para hindi kami usually tagasan masyado sa gasolina namin,” ayon kay Arjay Anas, pahenante
“Instead na bumili… nagluluto na lang po ako everyday.” saad naman ni Joy na araw-araw na nagko-commute
“Bibili ako ng ulam namin ng sa tanghali hanggang gabi na yun ..halimbawa bibili ako ng pangtinola, dalawang beses na namin ..dinadagdagan ko na lang ng gabi..” ani Elsa Palmingco na isang mamimili.
“Nagtitingin-tingin ng murang paninda..” Marlon Gamolo, mamimili
Una rito, noong Setyembre, umakyat sa 6.9% ang inflation rate dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin at iba pang commodities
Base naman sa pagtaya ng Philippine Statistics Authority (PSA) at ng Department of Finance (DOF) nakaamba pang magtuluy-tuloy ang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin sa huling quarter ng taong 2022 bunsod na rin ng mataas na pamasahe at mga bilihin gayundin ang pressure na dala ng mahinang halaga ng Philippine Peso at pinsala sa sektor ng agrikultura bunsod ng epekto ng nagdaang Super typhoon karding.