LEGAZPI CITY – Isang buwang ibibida sa publiko ang national costume na ginamit ni 2018 Miss Universe Catriona Magnayon Gray.
Ayon kay Darlito Perez, museum curator ng Museo de Legazpi sa panayam ng Bombo Radyo, lubha nilang ikinakatuwa ang pagpayag ng National Historical Commission of the Philippines na idisplay ang costumes ni Cat.
Magsisilbi aniyang pagkilala ang naturang exhibit sa karangalan na ibinigay ng ng 26-year-old half Australian beauty lalo na sa mga kababayan ng ina nitong tubong Albay.
Si Professor Danny Gerona, Filipino historian at author naman, ang magpapaliwanag sa Pre-Spanish period at iba pang kuwento sa likod ng costume ng pang-apat na Pinay Miss Universe.
Bawat isang paaralan aniya sa ilalim ng Department of Education-Bicol, ang magpapadala ng kinatawan upang makinig sa lecture ni Gerona.
Samantala, magpapatupad ng ilang limitasyon sa pagtungo sa museo habang nasa P20 lamang ang entrance fee para sa mga nais ng “close encounter” sa naturang national costumes.
Magsisimula ang exhibit bukas, Enero 15 hanggang sa Pebrero 15 ng kasalukuyang taon.