Umaasa ang Natioanal Economic and Development Authority (NEDA) na babagal pa ang inflation rate o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa mga susunod na buwan.
Sinabi ni NEDA Undersecretary for policy and planning Rosemarie Edillion, isa raw sa mga nakikita niyang dahilan nang pagbagal pa ng inflation ay ang supply side factor.
Isa pa rito ang papalapit na Kapaskuhan dahil sa dumaraming demand ng mga bilihin lalo na ang mga panregalo.
Kabilang na rin daw dito ang pagtaas ng transport fares.
Malaki rin umano ang epekto ng pagtaas ng sahod sa ilang rehiyon sa bansa sa posibleng pagbagal ng inflation.
Kung maalala, kahapon nang ianunsiyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumagal ang inflation noong buwan ng Agosto.
Ito ang pumutol sa limang buwang pagtaas, sa gitna ng mas mabagal na pagtaas sa mga gastos sa transportasyon at pagkain.
Sinabi ni PSA chief and National Statistician Claire Dennis Mapa na nakapagtala ang bansa ng 6.3 percent inflation sa buwan ng Agosto mula sa 6.4 percent noong buwan ng Hulyo.
Dinala nito ang year-to-date average na inflation sa 4.9 percent, sa loob ng assumption ng administrasyong Marcos na 4.5 percent hanggang 5.5 percent para sa buong taon.
Ang dahilan ng pagbagal ng antas ng inflation nitong Agosto 2022 ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng Transport.
Ito ay may 14.6 percent inflation at 57.9 percent share sa pagbaba ng pangkalahatang inflation sa bansa.
Sa ngayon, dahil daw sa epekto ng inflation ay nagsasagawa ang NEDA ng targeted subsidy.
Sa agriculture sector, talagang apektado raw sila at kailangang maprotektahan ang food system dahil lahat ng ito ay mararamdaman ng consumers kapag nahirapan ang mga producers.